Target ng Philippine Economic Zone Authority na maabot ang mula P202 billion hangang P250 billion na halaga ng investment sa 2024.
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga, ang P202 billion ay maituturing pang ‘conservative’ o mababa kaysa sa potensyal ng pamumuhunan sa bansa.
Ang pangunahing target anya ay maabot ang P250 billion na halaga ng pamumuhunan. Kung maaabot ito, sinabi ni Panga na makakabalik na ang ahensiya sa peak level ng investment sa Pilipinas kung saan nakakagawa ito ng mula P250 hanggang P300 billion na halaga ng pamumuhunan.
Ngayong taon, una nang sinabi ng PEZA na inaprubahan nito ang P175.71 billion na halaga ng investment sa bansa.
Ito ay mas mataas ng 24.88% mula sa dating P140.70 billion na naitala noong 2022.
Ang mga naturang pamumuhunan ay katumbas ng 233 na proyekto.