Nagsama ang Pfizer at German company na BioNTech SE na magdonate ng ilang doses ng kanilang COVID-19 vaccine para maturukan ang mg atleta kasama ang kanilang delegasyon na dadalo sa Tokyo Olympic at Paralympic Games.
Ayon sa kumpanya na darating sa mga delegasyon ang unang dose ng bakuna hanggang sa katapusan ng Mayo.
Tiniyak nila na matuturukan ang mga ito ng ikalawang dose ng bakuna ilang araw bago ang pagsisimula ng torneo.
Ang nasabing hakbang ay matapos na aprubahan ng International Olympic Committe (IOC) ang pagpapabakuna ng mga manlalaro at delegates.
Nakausap na rin ng IOC ang mga opisyal ng Japan at si Pfizer Chief Executive Officer Albert Bourla sa nasabing pagbibigay ng donasyon na mga bakuna.
Magugunitang nilimitahan ng Olympic organizers ang mga manonood ng laro dahil sa patuloy pa rin ang pagkakahawaan ng mga bagong variant ng COVID-19.