Pormal nang ibinaba ngayon ng panel ng US medical experts ang kanilang pag-apruba sa pagbibigay ng booster shots ng Pfizer coronavirus vaccine para sa mga may edad na 65-anyos pataas.
Ang third dose ay pwede rin daw ibigay sa mga taong nasa high risk na mahawa sa coronavirus.
Gayunman tinanggihan ng panel of experts ang panukala ng naturang higanteng pharma company at ni US President Joe Bidan na isama sa booster shots ang mga may edad 16-anyos pataas.
Una rito tumagal ang mahabang balitaktakan ng mga debate na may mga presentasyon ng mga data sa ipinatawag na pagpupulong ng US Food and Drug Administration (FDA).
Dahil sa naturang desisyon, inaasahan na milyun-milyong mamamayan ng Amerika ang magiging eligible na mabigyan ng third shot.
Ang expert panel ay binubuo ng mga vaccinologists, infectious disease researchers, at epidemiologists.
Lumabas sa kanilang konklusyon na magkakaiba raw ang benefit-risk balance para sa mga mas bata na indibidwal lalo na sa mga kalalakihan na may risk sa tinatawag na myocarditis.
Ang naunang clinical trial daw para sa booster shots na kinapalooban ng 300 katao ay masyado pang maliit upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Kaya naman lumabas sa botohan ng panel ang 16-2 na boto laban sa panukala na third dose para sa mga mas bata.
Ang mosyon naman para sa panukala na pagbibigay ng emergency authorization sa mga tao na edad 65-anyos pataas ay umani ng 18-0 na boto at walang komontra sa mga eskperto.
Pinayagan din ng panel na mabigyan ng booster shots ang mga health care workers at mga taong nasa high risk bunsod ng occupational exposure sa deadly virus.
Sa sunod na linggo pagkakataon naman ng US Centers for Disease Control and Prevention ang magbibigay ng approval.
Sinasabing umaabot na sa 180 million Americans ang fully immunized laban sa COVID-19 na pumatay na ng umaabot sa 671,000 katao mula nang magsimula ang pandemya.