-- Advertisements --

Inanunsyo ng Malacañang na naghain na ng aplikasyon ang Pfizer-BioNTech ng emergency use authorization (EUA) para sa kanilang bakuna sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo na naghain na ng EUA ang Pfizer noong Disyembre 23.

Aabutin naman aniya ng 21 araw ang isasagawang ebalwasyon ng FDA bago aprubahan ang naturang aplikasyon.

“It will take FDA 21 days to evaluate and approve the EUA but vaccination would start as soon as stocks become available,” ani Roque.

Ang American pharmaceutical firm ang kauna-unahang naghain ng EUA sa bansa makaraang ihayag noon ng FDA na wala pang nag-a-apply sa kanila para sa COVID-19 vaccine.

Samantala, sa naging ulat naman nito sa Pangulong Rodrigo Duterte, ipinaliwanag ni Domingo na ang mga bakunang inaprubahan ng stringent regulatory authority ay kinakailangan na lamang magsumite ng kaunting mga requirements.

“Pag naman po galing sa stringent regulatory authority… minimal na lang po ‘yung additional requirements natin. Ano na lang po stability sa Pilipinas, sa kilima natin, and of course some information lang po sa clinical trial nila… na ‘yung efficacy niya and safety in an Asian population is also similar to the general population,” anang opisyal.