Inaasahang magsisimulang mag-operate ang P6-billion Philippine General Hospital (PGH) cancer center sa 2025 sakaling mangyari ang paggawad ng kontrata nito ngayong taon.
Sinabi ni Philippine General Hospital Special Assistant to the Director Jose Rafael Marfori na ang pagtatayo ng 300-bed capacity na ospital ay maaaring tumagal ng hindi bababa sa dalawa hanggang tatlong taon bago matapos.
Aniya, ang proyekto ay sasailalim sa isang build-transfer-operate (BTO) scheme at hindi build-operate-transfer (BOT) na kung saan ibibigay ang center sa Philippine General Hospital kapag natapos na ang konstruksyon at napanatili ng gobyerno ang pagmamay-ari nito.
Sa build-operate-transfer, ang pagmamay-ari ng proyekto ay ililipat lamang pabalik sa gobyerno pagkatapos ng concession period.
Dagdag pa ni Marfori, ang mga investors at pre-bid conferences ay inaasahang magsisimula ngayong Pebrero at Marso 2023.
Kaugnay niyan, ang proyektong Public-Private Partnership (PPP) ay naglalayong palawakin ang access sa “resource-intensive” na pangangalaga sa kanser sa bansa at tutugon sa parehong charity at pribadong impatient at outpatient.
Kapag naitayo na, hindi bababa sa kalahati ng lahat ng mga kama ay ilalaan sa mga mahihirap na mga pasyenteng Pilipino.