Target ng Philippine General Hospital (PGH) na mabakunahan ang nasa 5,000 nilang mga empleyado sa loob ng isang linggo bilang bahagi ng kanilang COVID-19 vaccination plan.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, uunahin nila ang mga doktor at nurses, maging mga frontliners na nag-aalaga sa mga pasyenteng may COVID-19.
Isusunod naman aniya nila ang mga kawani na hindi involved sa COVID-19 operations, at mga nag-iintindi sa mga non-COVID patients, na susundan din ng administrative staff ng ospital.
Inilahad pa ni Del Rosario na binabalak ng PGH na ilaan ang unang dalawang araw ng vaccination drive sa mga nurses at doktor, at ikokonsidera rin aniya nila ang work schedule ng iba pang mga staff.
Bagama’t inaalok ang vaccination program sa lahat, inihayag ni Del Rosario na maaari pa ring tumangging magpabakuna ang kanilang mga empleyado.
Hindi rin daw isasama sa vaccination drive ng PGH ang pamilya at mga kaanak ng mga empleyado.