LA UNION – May binabalangkas nang recovery plan ang lokal na pamahalaan ng La Union para matulungan ang sektor ng turismo na nalugmok sa halos tatlong buwan nang community quarantine dulot ng COVID-19 crisis.
Sa panayaman ng Bombo Radyo La Union kay Provincial Tourism and Information Officer Adamor Dagang, sinabi niya na ang estimated nila ng DoT Region One Office na tourism losses sa lalawigan ay mahigit sa P124 milyon.
Aniya, P83 milyon ang lugi sa mga nagsarang tourism establishments habang P41 milyon ang nawala mula sa mga turistang dumadagsa lalo na’t peak season sa buwan ng Pebrero hanggang Mayo.
Aabot naman sa 1,756 na empleyado ang nawalan ng trabaho sa pagtigil ng operasyon ng mga hotel, resorts and restaurants, maliban pa sa mga contractual employees at suppliers ng mga ito.
Dahil dito, gumagawa na ng mga hakbangin ang provincial government ng La Union para matulungan ang sektor ng turismo at maibsan ang matinding epekto ng COVID pandemic.