Todo ang panawagan ngayon ni Health Secretary Francsico Duque III na ‘wag ng palakihin pa ang isyu na umabot na sa mahigit isang milyon ang mga dinapuan ng coronavirus sa Pilipinas.
Ginawa ni Duque ang apela nang makapanayam ng Bombo Radyo sa Port Area Maynila kaugnay sa pasinaya ng bagong isolation facility.
Partikular na nakiusap si Duque sa media, dahil kung tutuusin daw sa mahigit isang milyon na mga nagka-COVID ay mahigit naman sa 900,000 ang mga gumaling na o katumbas ito sa 90.9 percent.
Giit pa nito, ang isang milyon na bilang ay numero lamang.
Ang mahalaga aniya ay ang mga napagaling na sa bansa.
“I think we should focus our attention on the number of recoveries. So, ang ibig sabhin maganda ang recovery rate more than 90%,” ani Duque sa Bombo Radyo. “So, it means anything worth mentioning at this point is the number of recoveries. And I would like to appeal to everyone that I think we should focus on the recoveries more than the total number of affected.”
Sa buong mundo pang-26 na puwesto na ang Pilipinas sa may pinakamaraming nagkaroon ng COVID cases at pumapangalawa sa Indonesia sa bahaging ito ng Southeast Asia, batay na rin ito sa running tally mula sa Johns Hopkins University.
Samantala, una rito tinungo ng ilang miyembro ng IATF ang Eva Macapagal Isolation Facility sa Port Area, Maynila.
Ang super terminal ay dating para sa mga pasahero na biyaheng probinsiya pero ginawa na itong COVID-19 Treatment Center na may mahigit 200 beds para makatulong na ma-decongest ang mga pasyente sa ilang ospital sa Metro Manila.
Habang ang bago namang isolation facility na ininspeksiyon ng mga miyembro ng IATF ay merong 45 beds.
Ilalaan ito sa mga COVID patients na dumaranas ng mild, advanced, hanggang severe infection.