-- Advertisements --

Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang Philippine Arena sa Bulacan bilang lugar na pagtitipunan ng mga supporters ni President-Elect Ferdinand Bong Bong Marcos upang mapanood nila sa malaking TV screen ang inaugurasyon ng bagong pangulo sa June 30.

Ayon kay PNP Directorate for Operations (DO) Police Maj. General Valeriano De Leon, nakikipag-coordinate na ang PNP sa kampo ni Marcos para sa paggamit ng Philippine Arena at ilan pang lugar na makaka-accomodate ng malaking bilang ng mga tao.

Ito’y sa gitna ng inaasahang pagdagsa sa Metro Manila ng mga nais na makibahagi sa makasaysayang okasyon.

Sinabi ni Deleon na limitado lang sa 1,200 ang magkakasya sa National Museum, kung saan isasagawa ang inaugurasyon.

Kaya plano ng PNP na mag-set ng malalaking LED TV sa mga iba’t ibang lugar sa Metro Manila para ma-decongest ang palibot ng National Museum, bilang bahagi narin ng paghahanda sa seguridad.

Ayon kay de Leon ang Philippine Arena ay makaka-accomodate ng 70 libo sa loob at 100 libo sa labas; habang ang Philippine Sports Center sa Pasig City ay makaka-accomodate naman ng 40,000 katao.

Una ng sinabi ng PNP na nasa 15,000 PNP personnel at force multipliers ang ipakakalat sa inauguration ni Pres-elect Bong Bong Marcos.