
Bukas ang Phil Army sa anumang imbestigasyon na nais isagawa ng Commission on Human Rights (CHR) ukol sa nangyaring inkwentro sa Kabankalan City na ikinamatay ng anim na umano’y miyembro ng NPA.
Sa isang pahayag, inihayag ni Lt. Col. J-Jay Javines, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine (3ID) Army, welcome sa naturang dibisyon ang isasagawa ng CHR na imbestigasyon ukol dito.
Pero tiwala aniya ang 3rd ID na mapapawalang-sala ang mga tropa nito, mula sa anumang alegasyon na paglabag sa karapatang pantao ng mga rebelde.
Paliwanag ni Javines na sinunod ng mga sundalo ang Rules of Engagement at International Humanitarian Law sa isinagawa nilang operasyon lalo na at alam aniya ng mga sundalo ang maaaring parusa dito.
Una nang sinabi ng Commission on Human Rights na magsasagawa ito ng imbestigasyon sa naturang inkwentro na ikinasawi ng anim ng umanoy mga miyembro ng New Peoples Army.
Ayon sa CHR, iimbestigahan nila ang lahat ng angulo sa naturang inkwentro, kasama na ang umanoy pagkakadamay ng isang driver na kabilang sa anim na nasawi.
Kung maalala, nangyari ang inkwentro sa Sitio Lubi, Barangay Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental, na ikinamatay ng mga anim na indibidwal kabilang na ang isang ginang na anim na buwang buntis.