-- Advertisements --
image 306

Inanunsyo ng Philippine Army (PA) na 13 artillery platoon ang na-certify at idineklara bilang highly capable para sa howitzer operations.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Army na si Col. Xerxes Trinidad, ito ay naging posible sa pamamagitan ng patuloy na programa ng sertipikasyon ng Army Artillery Regiment (AAR).

Ang 13 artillery platoon na ito ay nakabase sa Zamboanga Peninsula at sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Norte at Lanao del Sur.

Batay sa regiment, kabuuan ng 13 firing platoon mula sa 1st Field Artillery Battalion at 8th Field Artillery Battalion ang nakapasa sa mga pamantayan sa sertipikasyon at naideklarang highly-capable howitzer platoon para sa pagsasagawa ng artillery noong February 15, 2023.

Ang sertipikasyon ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagpapahusay ng kahandaan sa pakikipaglaban ng mga yunit ng artillery, na tinitiyak na ang mga platoon ay lubos na bihasa sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.

Idinagdag ni Trinidad na ang Army Artillery Regiment certification committees ay nagsasagawa ng on-site proficiency test para sa mga artillery unit sa mga lalawigang nabanggit.

Ang proseso ng naturang certification ay isinasagawa sa dalawang yugto na kung saan ang unang yugto ay nakatuon sa pagsusuri ng mga indibidwal na kakayahan ng mga tauhan at ang pangalawang yugto sa pagsusuri sa sama-samang pagganap ng mga tauhan bilang firing section at firing platoon.