-- Advertisements --
image 254

Anim na batallion ng Philippine Army ang opisyal na naka-deploy sa Negros Oriental isang linggo lamang matapos ang pagpaslang kay Gov. Roel Degamo.

Ang mga tropa, na binubuo ng 11th, 94th, 79th, 62nd, 15th, at 47th Infantry Battalion, ay pormal na pinaalis sa isang seremonya sa Siaton na bayan ng napatay na gobernador.

Ipapakalat ang mga tauhan ng Philippine Army sa ikalawa at ikatlong distrito ng Negros Oriental bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang joint law enforcement operations kasama ang Philippine National Police (PNP) sa lalawigan.

Sinabi ni AFP Visayas Command o VISCOM Commander Lt. Gen. Benedict Arevalo na makikipagtulungan ang mga itinalagang tropa sa Philippine National Police para mahuli ang mga pumaslang kay Negros Oriental Gov. Degamo

Kung matatandaan, nahuli ng mga awtoridad ang 5 sa mga sinasabing gunmen ng napatay na gobernador, kung saan ang isa sa kanila ay napatay sa isang firefight.

Dagdag ni Arevalo na ang deployment ay naglalayong bawasan ang tensyon sa lalawigan, upang mahikayat ang mga testigo na lumabas, kabilang na rin ang mga saksi ng mga nakaraang hindi nalutas na insidente ng mga pamamaslang.

Nauna nang inihayag ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. ang paglikha ng Joint Task Force Negros na magiimbestiga ng mas malalim sa mga nakaraang pagpatay sa lalawigan.

Kasunod ng deployment, ilang checkpoints sa Negros Oriental ang itinatag upang tumulong sa paghuli sa mga assassin ni Degamo.

Bukod sa Joint Task Force Negros, ang administrasyong Marcos Jr. ay lumikha din ng “Special Task Force Degamo” upang higit pang imbestigahan ang pagpatay kay Degamo.

Ang dalawang task force ay nilikha upang matiyak ang mga diskarte ng gobyerno bilang tugon sa sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa Negros Oriental.