Tiniyak ng Philippine Army na mas paiigtingin pa nito ang pagtugis sa mga natitira pang miyembro ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ito ang ipinahayag ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala sa isang mensaheng ipinadala niya sa Bombo Radyo Philippines kasunod ng matagumpay na pagkaka-nutralisado ng kasundaluhan sa 11 miyembro nito sa bahagi ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Col. Dema-ala, nakasentro ang kanilang hukbo sa pagsugpo sa mga natitira pang mga terorista sa bansa na pumipigil sa kapayapaan at kaunlaran para sa mga Pilipino.
Sa pamamagitan na rin aniya ng suporta ng mga lokal na pamahalaan sa bansa at maging publiko ay hindi magsasawa ang Philippine Army na tugisin at wakasan na ang labanan sa pagitan ng mga militar at mga terorista.
Kasabay nito ay muling iginiit ni Col. Dema-ala na tanging pagsuko na lamang ang pagpipilian ng mga natitira pang mga terorista sa bansa sapagkat hindi aniya magdadalawang-isip ang Hukbong Katihan na gamitin ang kanilang puwersa kung kinakailangan.
Kung maaalala, una nang iniulat ng Philippine Army na nasawi ang pinakamataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters-Karialan Faction kasama ang 11 tagasunod nito sa kasagsagan ng isinagawang operasyon ng militar kahapon.
Kabilang sa nasawi ay kinilalang si Mohiden Animbang aka Karialan, ang tinukoy na chairman ng BIFF-Karialan Faction.
Mula sa naturang operasyon ay nasamsam din ng mga otoridad ang nasa 12 matataas na kagamitang pandigma ng naturang mga nautralisang mga terorista.