Magsasanay ang Philippine Army sa paggamit ng payload delivery system ng Typhon mid-range capability (MRC) missile sa darating na Philippine-US military drills sa Pebrero, ayon kay Philippine Army spokesman Col. Louie Dema-ala.
Sa pagsasanay, itatampok ng Army Artillery Regiment at US Army Pacific (Usarpac) ang paggamit ng Typhon missile system, na unang dumating sa bansa noong Abril 2024 at huling naiulat na nasa Ilocos Norte region ito.
Bagamat tinututulan ng China ang presensya ng Typhon missiles sa Pilipinas, nanindigan ang Department of National Defense (DND) na hindi ito aalisin.
Samantala, sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na nais niyang makuha ng bansa ang naturang missile system upang mapahusay ang kakayahan ng tropa sa makabagong teknolohiya.
Bukod dito, pinapalakas din ng Philippine Air Force (PAF) at US Pacific Air Force (Pacaf) ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng mas mataas na antas ng pakikipag-ugnayan at pagsasanay upang patibayin ang depensa at seguridad sa rehiyon.