DAVAO CITY – Tiniyak ni Col. Nolasco Mempin, commander ng 1003rd Infantry Batallion Philippine Army, na hihigpitan na nila ang kanilang recruitment.
Ito’y matapos masangkot sa pagmasaker ang isang miyembro sa CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit).
Kung maaalala, napatay sa engkuwentro ang CAFGU matapos ang masaker sa pamilya Ponce sa Marilog District sa lungsod.
Una nang nakilala ang suspek na si Randy Balagisi, 23-anyos na Cafgu Active Auxiliary (CAA) sa ilalim ng 16th Infantry Battalion sa Barangay Gumitan Patrol Base sa siyudad.
Habang ang mga biktima ay nagngangalang Liza Ominloy Ponce, 49; Christine Ominloy Ponce, 29; Ana, 14; at Rey, 5.
Ayon kay Col. Mempin kailangan malaman nila ang background ng mga CAFGU applicants para matiyak na hindi na mangyayari ang parehong krimen.
Nabatid na pinatay ng CAFGU na si Balagisi ang pamilya Ponce matapos na sinampahan ito ng kaso dahil sa pangmomolestiya sa isang miyembro ng pamilya ng mga biktima.