Ikinokonsidera ngayon ng Pilipinas at Amerika ang paggamit ng satellite imagery mula sa outer space para ma-monitor ang West Philippine Sea sa gitna ng patuloy na mga iligal na aktibidad sa naturang karagatan.
Maisasagawa ito sa pamamagitan ng SeaVision program ng US Transportation Department, isang web-based maritime situational awareness tool na magagamit para makita at maibahagi ang malawak na maritime information para mapagbuti ang maritime operations.
Ang naturang plano ay kasunod ng ginanap na space dialogue sa pagitan ng PH at US sa unang pagkakataon na isang platform na nabuo base sa May 2023 joint statement nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Pres. Joe Biden.
Base sa joint statement ng 2 bansa, makakatulong ang SeaVision para masubaybayan at maidokumento ang mga barko sa loob ng territorial waters at exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), gumagamit ang SeaVision ng satellite imagery, transponders at infrared para ma-track ang mga barko 24 oras na nagbibigay ng near-real time at historical information sa posisyon at detalye ng barko kabilang ang may-ari, operator at port visit history.
Masisiguro din ng SeaVision ang kaligtasan ng mga tripulante na nasa karagatan, makakatulong din ito na protektahan ang kapaligiran at malabanan ang iligal, unreported at unregulated fishing.