Namahagi ng kinakailangang relief assistance ang mga tauhan ng Philippine Air Force katuwang ang Royal Brunei Air Force para sa mga sinalanta ng bagyo sa Calaguas island sa probinsiya ng Camarines Norte.
Sa isang pahayag, sinabi ni PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, ginamit sa naturang joint aerial relief operation ang Black Hawk helicopters para maipamahagi ang Family Food Packs na ibinigay ng Department of Social Welfare and Development para sa mga residente sa isla na matinding naapektuhan ng kalamidad.
Makikita naman ang mga residente doon na matiyagang nag-antay at may bakas ng kasiyahan ng makita ang pag-landing ng eroplano at isa-isang ibinababa ang mga relief goods.
Samantala, sinabi din ni Col. Castillo na ang naturang humanitarian mission ay nagpapakita ng matatag na samahan sa pagitan ng Pilipinas at Brunei Darussalam at commitment para sa regional security at humanitarian assistance.