-- Advertisements --

Kasalukuyang inaareglo na ang isang visiting forces agreement sa pagitan ng Pilipinas at Canada na magpapalakas pa sa defense capabilities ng 2 bansa.

Ito ang inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isang statement matapos sabihin ni Canadian Ambassador to the PH David Hartman noong Linggo na nasa huling yugto na ng negosasyon sa kasunduan ang PH at Canada na magbibigay-daan sa mas malalim na kooperasyon at makabuluhang pakikilahok sa pagsasanay.

Ayon pa sa DFA, ang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) ay isang mahalagang development kasunod ng paglagda ng Memorandum of Understanding on Defense Cooperation sa pagitan ng PH at Canada noong January 19.

Sa ilalim ng kasunduan, sinabi ni Ambassador Hartman na papayagan ang paglahok ng mga sundalo ng Canada sa mga malalaking joint military exercises sa pagitan ng PH at Amerika sa hinaharap.

Positibo naman si Amb. Hartman na malalagdaan at mararatipikahan ang visiting forces agreement sa pagitan ng PH at Canada bago matapos ang 2025.