Nilinaw ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na ang napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China ay ang palitan ng impormasyon at hindi “paunang abiso” o magpapaalam sa tuwing magsasagawa ng resupply missions ang panig ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre outpost nito sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea sa layuning mapangasiwaan ang tensiyon sa naturang karagatan.
Ginawa ng kalihim ang paglilinaw bilang pagkontra sa naunang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na pumayag umano ang Pilipinas na ipaalam muna sa China ang mga aktibidad ng bansa sa naturang parte ng karagatan.
Muling binigyang diin din ito ni Sec. Manalo sa isang press conference matapos ang 2+2 Ministerial Dialogue kasama sina PH Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., US State Department Secretary Antony Blinken at US Defense chief Lloyd Austin.
Inihayag din ng DFA chief na ipagpapatuloy ng bansa ang rotation at resupply missions nito sa BRP Sierra Madre bilang bahagi ng karapatan ng PH na may soberaniya sa West Philippine Sea.
Saad pa ng opisyal na nagpapakita ang matagumpay na resupply mission noon lamang July 27 na committed silang ipagpatuloy ang mga susunod pang misyon, siyempre kaakibat aniya nito ang pagtalima ng China sa napag-kasunduan.