Nagkaharap ang diplomats ng Pilipinas at China sa ginanap na 30th ASEAN-China Senior Officials’ Consultation sa Jakarta, Indonesia kahapon sa gitna ng bangayan sa mga naratibo sa umano’y kasunduan sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito inupuan nina Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Bilateral Relations at ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro kasama si Chinese Vice Foreign Minister Sun Weidong ang isang bilateral talks sa sideline ng naturang event.
Sa naging pagpupulong ng 2 diplomats, tinalakay ang maritime issues.
Hindi pa inilalabas sa ngayon ng DFA ang karagdagang detalye kaugnay sa naturang pagpupulong.
Sinabi naman ni DFA USec. Lazaro na umaasa ito sa pagpapatuloy pa ng dayalogo sa pagitan ng PH at China kaugnay sa mga isyu sa common concern ng dalawang bansa.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagpulong ang dalawang diplomat kung saan noong Marso 2023, nakausap na rin ni Lazaro ang Chinese diplomat kung saan idinulog nito ang maritime issues bilang serious concern para sa mga Pilipino.
Sa ikalawang yugto ng consultative meeting ng PH at China, sinabi ni Lazaro kay Sun na dapat tugunan ang sea dispute sa pamamagitan ng diplomasiya at diyalogo at hindi sa pamamagitan ng panggigipit at pananakot.