Ibinunyag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na nagkaroon ng prangka at tapat na paguusap sa telepono kahapon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi.
Ayon pa sa DFA, natapos aniya ang kanilang pag-uusap nang may malinaw na pang-unawa sa kani-kanilang posisyon sa ilang mga isyu.
Kapwa umapela ang 2 top diplomats sa patuloy na dayalogo sa pagtalakay sa kasalukuyang sitwasyon sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West PH Sea kasabay ng pag-igting pa ng tensiyon kaugnay sa naging aksiyon kamakailan ng China sa disputed area.
Ang pag-uusap ng 2 opisyal sa telepono ay kasunod na rin ng naging pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation Economic Leaders Summit sa San Francisco.
Matatandaan na nitong huling bahagi ng kasalukuyan taon, ilang mga insidente ang naitala sa West PH Sea partikular na sa pagitan ng mga barko ng Chinese Coast Guard at Philippine Coast Guard.
Isa na dito ang pambobomba ng tubig ng mga barko ng China sa supply boat ng PH habang isinasagawa ang resupply mission sa Ayungin shoal para sa mga tropa ng bansa na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.
Kaugnay nito, target ng Marcos administration na magkaroon ng radical solutions sa WPS dahil ang bigo aniya ang ilang taon ng ginagawang diplomatic efforts ng bansa para mapigilan ang umiigting pang mga insidente ng panghihimasok ng mga barko ng China sa loob ng ating exclusive economic zone.