Target ng Pilipinas at Denmark na magkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng mga Coast Guard.
Ito ay natalakay sa bilateral meeting nina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo at Danish Foreign Minister Lars Løkke Rasmussen nitong Lunes.
Ang pagbisita naman ng Danish PM ang unang pagkakataon sa nakalipas na 25 taon na nagtungo sa ating bansa ang isang Foreign Minister mula sa Denmark para sa isang high-level engagement.
Ayon kay Rasmussen, pinag-usapan din nila ni DFA Sec. Manalo ang pakikipagtulungan ng Danish defense industry sa PH defense subalit premature pa aniya para i-conclude ang posibilidad ng coast guard to coast guard cooperation sa pagitan ng 2 bansa.
Maliban dito, natalakay din ng 2 opisyal ang ibang mga isyu sa rehiyon tulad ng mga concern may kinalaman sa disputed waters at sa West Philippine Sea.
Natalakay din ng kanilang diskusyon ang posibilidad ng pagtutulungan kung paano mapapataas ang kamalayan sa kahalagahan ng pagsunod sa international law at international rules-based order.
Samantala, binisita din ng Danish PM ang PCG headquarters sa Maynila kung saan na-briefing siya sa sitwasyon sa WPS. Sumakay din siya sa BRP Cabra na isa sa mga patrol vessel na madalas na ipinapadala sa WPS.
Sinabi naman ng Danish official na nagtungo siya sa bansa para masaksihan ng personal ang mga hamong may kaugnayan sa Pilipinas sa pagtindig sa sarili nitong teritoryo at mapakinggan ang mga insidente sangkot ang China Coast Guard at kung ano ang maaaring gawin dito.
Kaugnay nito, sinabi ni Rasmussen na tinitignan nila ang mga hakbang para mapalakas ang kapasidad ng PCG gaya ng pagsasanay at modernisasyon.