Magkakasa ang militar ng Philippines at India ng joint maritime exercises ngayong linggo sa pagsisikap na palakasin ang relasyon at pagtutulungan sa isa’t isa.
Kaugnay nito, dumating na sa Pilipinas partikular sa Manila port ang tatlong barkong pandagat ng India pasado alas-8 ng umaga noong Linggo: ang guided missile destroyer na Indian Naval Ship (INS) Delhi, ang anti-submarine warfare corvette na INS Kiltan, at ang fleet tanker na INS Shakti na bahagi ng Indian Navy Eastern Fleet.
Sinalubong ang mga ito ng mga kinatawan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas at ng Embahada ng India, at mananatili sa bansa sa susunod na apat na araw.
Ayon kay Rear Admiral Rajesh Dhankar, ang mga barkong pandagat ng India ay bumibisita sa mga dayuhang bansa upang ibahagi ang kanilang mga karanasan at pinakamahuhusay ma kagawian sa mga hukbong dagat ng ibang bansa.
Dagdag pa ng Indian Navy official na may magkaparehong interes ang PH at India partikular na sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Indo-Pacific region.
Batay sa data mula sa Central intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos, ang India ay isa sa may pinakamalaking militar sa buong mundo na may 1.5 milyong aktibong tauhan, 1.25 milyon sa Army nito, 65,000 sa hukbong-dagat, 140,000 sa hukbong panghimpapawid, at 12,000 sa coast guard.