Pinag-uusapan na ng gobyerno ng Pilipinas at Indonesia ang posibleng paglipat sa pasilidad sa bansa kay Mary Jane Veloso, ang Pinay na nasa death row sa Indonesia.
Ito ang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na umaasa ito para sa matagumpay na resolution ng kaso ni Veloso at mabigyan siya ng hustisiya sa 14 na taong pagkakakulong niya sa Indonesia kasabay ng pagpapalakas ng malalim na pagkakaibigan ng 2 bansa.
Ginawa ng ahensiya ang pahayag matapos sabihin ng Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction ng Indonesia na ikinokonsidera nila ang posibleng paglipat kay Veloso bilang parte ng constructive diplomacy.
Ayon sa DFA, ito ang tinalakay sa pagpupulong kasama si Philippine Ambassador Gina Alagon Jamoralin kung saan binigyang diin ni Coordinating Minister Yusril Ihza Mahendra na pinagtibay ng Indonesia ang legal sovereignty at nangakong ipapatupad ang criminal sanctions na ipinataw ng mga korte.
Matatandaan, na-convict si Veloso noong 2010 dahil sa drug trafficking matapos siyang mahulihan ng 2.6 kilos heroin sa Yogyakarta at hinatulan ng death penalty, subalit nanindigan si Veloso na inosente siya at biktima siya ng human trafficking.