Nagsagawa ang Philippine Navy at Japanese Maritime Self-Defense Force ng kauna-unahang bilateral maritime cooperative activity sa West Philippine Sea ngayong araw ng Biyernes, Agosto 2.
Dito, nagpadala ang Philippine Navy ng multi-role guided missile frigate na BRP Jose Rizal habang ang Japan naman ay nag-deploy ng kanilang Takanami-class destroyer na JS Sazanami para sa naturang aktibidad.
Bukod dito, nagsagawa din ang mga barko ng Hukbong-dagat ng PH at Japan ng tactical maneuvering at photographic exercise sa kabuuan ng kanilang paglalayag.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, parte ang bilateral sail ng nagpapatuloy na pagsisikap para palakasin ang regional at international cooperation tungo sa pagkamit ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific region.
Determinado din aniya ang dalawang hukbo na itaguyod ang seguridad at stability sa Indo-pacific.
Ginawa ang joint sail kasunod ng bilateral maritime cooperative activity ng Philippine Navy kasama ang US Navy sa WPS noong July 31.