Lumagda ang Pilipinas at Sweden sa isang kasunduan para suportahan ang planong pagbili ng bansa ng multi-role fighter (MRF) aircraft para sa Philippine Air Force (PAF).
Pinangunahan nina Joakim Wallin, Swedish defense materiel head of exports at Joselito Ramos, ang PH assistant secretary for logistics, acquisitions and self-reliant defense posture ng Department of National Defense ang paglagda ng naturang kasunduan na may pamagat na “Implementing Arrangement Concerning the Procurement of Defense Materiel and Equipment”.
Ayon sa Swedish Defense Materiel Administration, interesado ang Pilipinas sa Swedish systems kabilang ang fighter aircraft, command systems at airborne early-warning aircraft.
Ginawa nga ang paglagda sa naturang kasunduan bago ang nakatakdang pagbisita ni Swedish Defense Minister Pål Jonson sa bansa sa Hunyo 5 bilang bahagi ng isang linggo pagbisita nito sa 3 bansa sa Asia-pacific kabilang ang Singapore, Australia at PH.
Makikipagkita din ang Swedish official kay Defense Sec. Gilberto Teodoro at makikiisa sa pagdiriwang ng National Day ng Swedish Embassy.
Ang patuloy nga na pagpapalakas pa ng kapasidad ng militar ng PH ay sa gitna ng umiigting na paggigiit pa ng China ng claims nito sa West Philippine Sea.