Target ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) na maglagay ng mga data center na may humigit-kumulang 500 megawatts na kapasidad.
Ito ay habang nilagdaan ng dalawang bansa ang memorandum of understanding (MOU) para palakasin ang digital infrastructure.
Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na nilagdaan ni Secretary Alfredo Pascual ang MOU kasama ang UAE Ministry of Investment sa Abu Dhabi upang palakasin ang alyansa ng dalawang bansa sa digital infrastructure development.
Ayon kay Pascual, ang MOU ay nagsisilbing balangkas para sa mas malakas na alyansa ng dalawang bansa sa pagpapalakas ng bilateral cooperation, partikular sa digital infrastructure sector.
Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga sentrong nabanggit, nakahanda ang Pilipinas na umunlad pa sa global digital economy.
Idinagdag niya na ang kasunduan ay naglalayong palakasin ang partnership ng publiko at pribadong sektor ng dalawang bansa para mapadali ang pamumuhunan para sa 500-MW data centers.
Gayundin ang pagbabahagi ng technical expertise sa digital infrastructure.
Parehong sinabi ng dalawang panig na sa pamamagitan ng MOU, mas madaragdagan ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.