Lumagda ang Pilipinas at United Kingdom ngayong Sabado, Marso 8 para sa PH-Uk Joint Framework agreement na magpapalakas pa ng kooperasyon ng dalawang bansa sa trade, defense, human rights at regional security.
Malugod namang tinanggap ni Departmen of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo si UK Foreign Secretary David Lammy para sa paglagda ng kasunduan at talakayin ang “pressing mutual concerns” ng 2 bansa.
Sa isang statement, sinabi ni Sec. Manalo na ang Enhanced Partnership ng PH sa UK ay isang testamento sa malakas at malalim na formal, sectoral at people-to-people relations sa pagitan ng PH at UK.
Ayon pa sa kalihim, nagkasundo sila ni Lammy na ituloy ang kooperasyon sa mga usapin gaya ng defense and security, mga karapatang pantao, maritime at economic resilience.
Sa parte naman ng UK Foreign Secretary, kaniyang sinabi na binabalangkas ng PH at UK ang isang bagong direksiyon sa relasyon ng 2 bansa sa gitna ng maraming pandaigdigang hamon.
Ibinunyag din ni Manalo na tinatrabaho ng 2 bansa ang marami pang mga kasunduan at engagements kabilang ang Implementing Arrangement sa ilalim ng 2024 Memorandum of Understanding (MOU) on Defense Cooperation, MOU on information sharing concerning maritime domain awareness, patuloy na partisipasyon at palitan sa joint military exercises at maritime patrols, port calls ng British naval vessels at ang paglulunsad ng inaugural PH-UK Joint Economic Committee (JETCO) meeting sa London ngayong Marso.