Nagsanay ang special forces ng Philippine Coast Guard kasama ang US Special Operations Task Force kung paano tutugunan ang noncompliant vessels bilang parte ng small vessel defensive tactics course sa Palawan sa loob ng halos 3 linggo.
Maliban dito, nagsagawa din ang Coast Guard District Palawan at substations nito ng tactical exercises para mapahusay pa ang kooperasyon at best practices para sa epektibong engagement mula Octubre 1 hanggang 18 sa Puerto Princesa City.
Ang Palawan nga kung saan isinagawa ang pagsasanay sa pagitan ng PH at US ay isang island province na gateway patungo sa West Philippine Sea, na nasa loob ng exclusive economic zone ng PH.
Nauna na ring namataan na umaaligid sa mga nakalipas na buwan ang mga barko ng China malapit sa may Palawan kabilang ang tinaguriang monster ship ng China na naobserbahan malapit sa El Nido, Palawan noong June 25 at ang Chinese survey and research vessel na ineskortan ng 6 na maritime militia vessel na namataan naman malapit sa Palawan noong Setyembre 23.