-- Advertisements --


Napagkasunduan na umano ng Pilipinas at Vietnam na hindi na huhuliin ang mga mangingisda ng kapwa bansa na nangingisda sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenza, nabuo ang kasunduan sa pagitan nila ng kanyang counterpart nang bumisita sa Vietnam noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Lorenzana na mula ngayon, ang magiging “policy” ng dalawang bansa ay pabalikin nalang sa kani-kanilang mga territoryo sa West Philippine Sea ang mga mangingisda na maaring naligaw sa territoryong hindi sa bansa nila.

Paliwanag ni Lorenzana, nauunawaan kasi ng magkabilang panig na mga simpleng mangingisda lang na naghahanapbuhay ang mga ito na wala namang gamit na GPS para matukoy kung pumapasok na sila sa territoryo ng ibang bansa.

Dagdag pa ng kalihim, sa karanasan ng Pilipinas ay mas maabala pa kung aarestuhin ng mga otoridad ang mga Vietnamese fishermen na iligal na nangingisda malapit sa Pag-asa island at iba pang isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Inihalimbawa ni Lorenzana ang kaso ng apat na Vietnamese fishing boats na pinalaya matapos hulihin sa karagatan ng Sual, Pangasinan noong 2016, na pinakain pa ang mga crew at binigyan ng gasolina noong sila’y pinalaya.

Kaya mula ngayon aniya, sasabihan nalang ang mga ito na umalis nalang agad sa karagatang sakop ng territoryo ng Pilipinas.