CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 30 na atleta ang binigyan ng first aid ng medical team sa ginaganap na Philippine Athletics Championship sa City of Ilagan Sports Complex.
Sinabi ni Geralyn Gangan, team leader ng Field Emergency and Medical Station, exhaustion at sprain pa rin ang naranasan ng maraming atleta dahil sa mainit na panahon na kanilang mga binigyan ng paunang lunas.
Mayroon ding nagkaroon ng mumps at lagnat.
Samantala, hindi natitinag ang Team Ilagan City na kinabibilangan ng ilang national athletes tulad ni track star Eric Shaun Cray sa pangunguna sa medal standings.
Mayroon na itong 42 medals, habang ang sumusunod na Philippine Army ay may 35 medals.
Samantala, kahit may iniindang injury sa paa ay nanalo pa rin ng gold medal sa 10,000 meter walk ang 23-anyos na atleta ng University of the Philippines-Diliman na si Maria Elizabeth Cabioso na tubong Iloilo.
Sinabi niya na nahirapan siya sa huling limang round ngunit nagdasal siya na matapos niya ang event.
Ngayong hapon na magtatapos ang 3-day sporting event kung saan magbibigay ng saya ang komedyanteng si Kakai Bautista kasama ang actress/singer na si Emmanuelle Vera.