Mas magaan ang tatahaking daan ng Philippine Azkals makaraang mapadpad ito sa magaang grupo sa ginanap na ceremonial drawing of lots para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Kasama ng Azkals sa Group A ng preliminary phase ang Timor Leste, Myanmar, Cambodia at Malaysia.
Tanging ang Malaysia, na silver medalists noong 2017 SEA Games na ginanap sa kanilang baluwarte, ang kailangang lampasan ng Pilipinas sa men’s football.
Sang-ayon sa panuntunan, ang dalawang koponang nasa tuktok ng standing ang siya lamang uusad sa semifinals.
Nasa kabilang grupo naman ang defending champion na Thailand, bronze medalist Indonesia, Vietnam, Laos, Brunei at Singapore.
Samantala, kasama naman ng Philippine Malditas sa kanilang pangkat sa Group A sa women’s football ang Malaysia at Myanmar.
Ang Thailand at Indonesia naman ang kasama ng 2017 winner na Vietnam sa Group B.
Sa kabilang dako, dahil sa limang koponan na lamang ang magtatagisan sa women’s volleyball matapos kumalas ang Malaysia, sasalang ang Pilipinas sa single-round robin format kasama ang Thailand, Vietnam, Indonesia at Singapore.
Sa men’s squad naman napasama ang Pilipinas, maging ang Indonesia, Vietnam at Cambodia, habang sa Group A ang defending champion Thailand, Singapore, at Myanmar.
Maliban sa mga nabanggit, nagsagawa rin ng kanilang draw ang badminton, underwater hockey, at water polo upang idetermina ang groupings para sa regional showpiece.