Determinado ang Philippine Amateur Baseball Association (PABA) na masungkit ang nag-iisang gintong medalyang nakataya sa baseball sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ito’y kahit aminado ang PABA na matitindi ang mga bansang makakatunggali nila sa kompetisyong gaganapin sa Clark, Pampanga mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 8.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PABA secretary-general Jose “Pepe” Muñoz, tinitingnan nila ang Indonesia at Thailand bilang pinakamatindi nilang karibal sa korona.
Maliban sa nabanggit na mga bansa, makakaharap din ng Pinoy batters ang Cambodia at Singapore.
Kumpiyansa naman si Muñoz sa kanilang line-up na kinatatampukan ng mga talento mula sa collegiate level.
Ibinahagi rin ng baseball official na patuloy ang dibdibang ensayo ng koponan sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at bibiyahe na sila pa-Clark sa susunod na linggo upang makapagsanay sa venue.
Sa 2011 SEA Games sa Indonesia kung saan huling isinama ang baseball, nadagit ng Pilipinas ang gintong medalya matapos ilampaso ang Indonesia at Thailand.