Naniniwala ang Philippine Amateur Baseball Association (PABA) na magagawa ng baseball na makapagbigay ng karangalan para sa Pilipinas sa muli nilang pagsabak sa Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Huling sumalang ang Philippine baseball team sa SEA Games noong 2011 kung saan nag-uwi sila ng dalawang gintong medalya.
Ayon kay PABA President Chito Loyzaga, taglay ng kanilang bagong bihis na line-up na kinatatampukan ng mga talento mula sa collegiate level ang kakayahang dominahin ang kanilang mga makakalaban.
Bagama’t aminado si Loyzaga na Indonesia at Thailand ang pinakamatindi nilang makakatapat, sigurado raw itong may paglalagyan ang Pinoy team sa baseball.
Ibinase ni Loyzaga ang pahayag sa impresibong kampanya ng koponan sa international meet, kasama na ang kasalukuyang BFA Asian Championship sa Taiwan.
Hindi man nakatapak sa podium ang Pinoy batters, naging impresibo naman ang laro ng Pilipinas kontra China (1-0) at sa relegation phase.
Sa ngayon aniya, puspusan ang isinasagawang paghahanda ng buong koponan para sa SEA Games.
“We are on schedule. When the men’s team comes back (from Taiwan), I think we’ll have a few practices here and siguro mga two weeks before sometime in the middle of November, doon na sila mag-eensayo sa Clark para masanay na sila sa venue, sa talbog ng bola, sa lahat,” ani Loyzaga.