Higit 5,000 Australyano ang nabiktima ng isang love scam center sa Pilipinas, na nagdulot ng pagkalugi ng halos AUD $24 milyon, ayon sa Australian Federal Police.
Ayon sa mga opisyal, target ng scammers ang mga lalaking edad 35 hanggang 80 sa pamamagitan ng online dating apps. Ginagamit nila ang scripted na kwento para magpanggap bilang mabait na Pilipina sa Australia o isang babaeng nasaktan sa nakaraang relasyon.
Sa loob ng isang linggo, unti-unting ipinapakilala ng scammer ang cryptocurrency trading at hinihikayat ang biktima na mag-invest mula AUD $300 hanggang $800. Matapos makuha ang tiwala, pinipilit nilang maglagak ng mas malaking halaga.
Natuklasan ang operasyon noong Agosto 2023, kaya’t nakipagtulungan ang Australia sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy ang iba pang biktima.
Ayon sa PAOCC, kahit nabawasan ang mga operasyon ng POGO, may mga natitira pang scam centers na patuloy sa panloloko.