BACOLOD CITY – Inaasahang sa susunod na buwan lilipad patungong Florida, USA ang pambato ng Pilipinas sa 69th Miss Universe na si Rabiya Mateo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa international fashion designer na si Kirsten Regalado mula sa Miami, Florida, sasailalim sa 14-day quarantine ang mga kandidata bago makapasok sa venue sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino sa Hollywood, Florida.
Ayon kay Regalado, nakipag-ugnayan sa kanya ang team ni Mateo kaugnay sa mga health protocols at hindi pa alam sa ngayon kung saan mananatili para sa quarantine.
Una nang sinabi ng presidente ng Miss Universe Organization na si Paula Shugart na ilang buwan nagplano ang mga organizers para ligtas na maidaos ang kompetisyon kung saan ipapasa na ni reigning Miss Universe Zozibini Tunzi ang prestihiyosong korona.
Ikinokonsidera rin ng mga organizer na limitahan ang live audience sa pageant.
Ang Miss Universe ay eere sa mahigit 160 territories and countries sa buong mundo sa darating na Mayo 16 o Mayo 17 ng umaga, oras sa Pilipinas.
Ang nabanggit na casino ay isa sa kahanga-hangang hotel sa Hollywood dahil ito ay hugis-gitara.
Wala pang napipili kung sino ang magiging host sa inaabangang coronation.