Ngayon pa lamang ay tinitiyak na ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo na gagawin ang lahat ng kanyang “best” para maibigay sa bansa ang pang-limang korona ng Miss Universe.
Ito’y kasabay ng kanyang pagdating sa Los Angeles matapos bumiyahe patungong Amerika nitong Biyernes.
Sa kabila ng kumpiyansa, hiling pa rin ng 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, na siya ay ipanalangin ng mga kababayang Pinoy.
“Ibubuhos ko ang lahat ng lakas sa laban na ito at taas noo kong sasabihin, ‘Ikinararangal kong maging modernong Pilipina sa isip, sa puso, sa diwa, sa salita at sa gawa,” saad ni Mateo.
Una na ring umapela ng suporta si Rabiya para sa online voting.
Ang mananalo kasi sa nasabing botohan via online ay otomatikong pasok sa Top 21.
Si Rabiya ang unang nagwagi sa hiwalay na franchise ng Miss Universe Philippines.
Maliban sa isang exclusive e-commerce platform, maaari ring makaboto sa app at website ng Miss Universe.
Gaganapin ang coronation ng 69th edition ng Miss Universe sa darating na May 16 sa Florida, o May 17 ng umaga (Manila time).
Sa huling coronation bago sumiklab ang pandemya, nasungkit ng bansa sa pamamagitan ni Gazini Ganados ang Top 20 finish sa Miss Universe.
Sa ngayon ay mayroon nang apat na Miss Universe crown ang Pilipinas