Muling binuhay ng Pilipinas ang claim nito sa North Borneo o Sabah sa ipinadalang note verbale sa United Nations (UN).
Dito, iiginiit ng Philippine Permanent Mission to the UN ang soberaniya ng bansa sa Sabah.
Nanindigan din ito na hindi kailanman binitawan ng PH ang soberaniya nito sa North Borneo.
Inalala din nito ang kasunduan ng mga partido sa Manila Accord na may petsang July 31, 1963, kung saan binigyang diin nito ang commitment ng PH sa ilalim ng kasunduan ang paggiit ng claim sa North Borneo alinsunod sa international law at principle of the pacific settlement of disputes.
Ang hakbang na ito ng Pilipinas ay kasunod ng inisyung note verbale ng Malaysia noong 2024, na tumututol sa submission ng PH sa UN Commission on the Limits of the Continental shelf.
Nauna na kasing iginiit ng PH ang karapatan nito sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pormal na hiniling sa UN body na palawigin ang continental shelf sa West Philippine Sea partikular na sa western Palawan region, bagay na tinutulan naman ng Malaysia.