Hindi pa rin isinasantabi ng Philippine Football Federation (PFF) ang kanilang pangarap na unang gintong medalya sa football sa pagsabak ng Philippine Azkals at Malditas sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ito’y kahit semifinals ang target muna ng mga football officials na maabot ng mga miyembro ng national team.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PFF president Mariano “Nonong” Araneta, malaki ang kanilang tiwala sa abilidad ng mga Pinoy booters na makausad sa group phase ng football competition.
“Siyempre, ‘pag nandoon ka na sa semifinals, laban na ‘yan eh. So, one game at a time. Basta ang focus mo to win this game [and] move forward kung anong mangyayari sa game na ‘yan,” wika ni Araneta.
Gayunman, aminado si Araneta na tumindi pa lalo ang kompetisyon sa SEA Games football dahil lumakas na rin ang iba pang kalaban nilang mga bansa.
Maliban sa Malaysia na kagrupo ng Pilipinas sa eliminations, ilan din sa malalakas na men’s team sa biennial meet ang Thailand, Indonesia, at Vietnam.
Habang malaking tinik naman aniya sa Malditas ang Thailand, Vietnam, at Myanmar.
“Alam mo sa mga koponan dito sa Southeast Asia, wala nang sinasabing mabigat o magaan na grupo. Parang ang kompetisyon is pare-pareho na,” ani Araneta.
Sa kabila nito, buo ang loob ni Araneta na magbubunga ang kampanya ng Azkals at Malditas sa SEA Games, na magsisimula na sa susunod na linggo.
Sa Nobyembre 25 magsisimula ang men’s competition kung saan haharapin ng Azkals ang Cambodia sa Rizal Memorial Stadium sa lungsod ng Maynila
Sa nasabi ring araw sasagupain ng Malditas ang Myanmar sa BiƱan Football Stadium sa lalawigan ng Laguna.