Inihayag ng National Security Council na nananatili pa ring bukas ang Pilipina sa anumang uri ng pakikipag-usap sa China ngunit mayroon itong kaakibat na kondisyon.
Ayon sa ahensya , magiging matagumpay lamang ito kung ititigil na ng bansang China ang panghaharas at pang-aapi sa Pilipinas.
Kabilang na rito ang mga ginagawang ilegal na hakbang ng China sa WPS na naglalagay naman sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon sa alanganin.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya malinaw na walang naniniwala sa mga naratibo ng China hinggil sa 10-dash line claim nito.
Wala rin aniyang bansa na nagpahayag ng suporta sa China.
Binigyang diin rin ng opisyal na ang tanging ugat ng tensyon sa WPS ay ang pagmamatigas ng China na tumalima sa International Law, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang 2016 Arbitral Award.
Dagdag pa nito na batid aniya ng buong mundo na hindi ang Pilipinas ang nang-aapi, naghahamon at nagiging agresibo sa West Philippine Sea.
Kung may sinseridad aniya ang bawat panig sa pag-uusap nito ay tiyak na magiging matagumpay ito.