Bumoto ng pabor ang Pilipinas sa resolution ng United Nations General Assembly (UNGA) na kumokondena sa settlement activities ng Israel sa okupadong territoryo ng East Jerusalem at sa mga gawain ng karahasan laban sa mga sibilyang Palestinian kabilang ang mga bata.
Kasama ang PH sa 144 na mga nasyon na bumoto ng pabor sa resolution matapos ang isinagawang pagdinig ng UNGA Special political and decolonization committee kung saan tinalakay ang practices at settlement activities ng Israel na nakakaapekto sa mga karapatan ng mga mamamayang Palestinian at iba pang Arabs sa okupadong teritoryo.
Habang tumutol naman sa resolution ang 7 bansa kabilang ang Israel at US na malaking kaalyado ng PH at nasa 18 naman ang nag-abstain.
Ang botong ito ng PH ay kasunod ng pag-abstain sa naunang resolution ng UNGA na nananawagan para sa humanitarian truce sa labanan sa pagitan ng pwersa ng Israel at militanteng Hamas na nag-ugat sa pag-okupa ng Israel sa Gaza na kontrolado ng Hamas.
Nakasaad kasi sa bagong resolution ang naging desisyon ng International Court of Justice kung saan ang settlements ng Israel sa okupadong Palestinian territory kabilang ang silangang Jerusalem ay lumabag umano sa international law.
Inilahad sa resolution na ang Israeli settlement activities ay kinabibilangan ng paglilipat ng kanilang mamamayan sa okupadong mga teritoryo, pagkamkam ng lupain, pwersahang paglipat ng mga sibilyang Palestino kabilang ang mga Bedouin families, exploitation ng likas na yaman, pagkakahati ng teritoryo at iba pang mga aksiyon laban sa mamamayan ng Palestine.
Kinondena din sa resolution ang ilang mga aktibidad ng Israel sa okupadong teritoryo kabilang ang mga gawain ng karahasan laban sa mga Palestino at pagkasira ng kanilang mga ari-arian at pagpapalawig ng settlements o sakop ng Israel.
Hinimok din ng mayorya ng miyembro ng UN ang iba pang UN bodies na gumawa ng kaukulang hakbang kaugnay sa naturang mga aktibidad ng Israel at hiniling kay UN Secretary General Antonio Guterres na mag-isyu ng report kaugnay sa bagong resolution sa susunod na sesyon.