Bumoto ng pabor ang Pilipinas sa worldwide moratorium sa paggamit ng death penalty bilang legal na parusa sa ginanap na United Nations General Assembly.
Kasama ang PH sa 129 na iba pang bansa na pumabor sa resolution noong Disyembre 17 na kumakatawan sa malawakang pagtutol ng naturang parusa.
Nakakuha ang resolution ng two-thirds majority na pabor, 32 bansa naman ang tumutol at 22 ang nag-abstain.
Pinangunahan naman ng Argentina at Italy ang naturang hakbang sa pamamagitan ng Inter-Regional Task Force kasama ang 70 co-sponsors.
Ang naturang resolution ay inihahain kada 2 taon, na layuning mahikayat ang mga bansa para mapigilan ng executions habang tinatrabaho ang pagkumpleto ng pagbuwag sa parusang kamatayan.
Matatandaan na sa Pilipinas, tuluyang binuwag ang parusang kamatayan noong 2006 sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ibinaba ang pinakamabigat na parusa bansa sa habambuhay na pagkakakulong.