-- Advertisements --

Nagkasundo ang Pilipinas at China na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng rotation at resupply missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na matatagpuan sa West Philippine Sea.

Ang desisyon ay ginawa sa ika-10 Bilateral Consultation Mechanism (BCM) meeting ng Pilipinas at China tungkol sa WPS, na ginanap sa Xiamen, China. Ang pulong ay nakatuon sa pagtugon sa mga kasalukuyang isyu sa rehiyon, kung saan parehong ipinahayag ng dalawang bansa ang kanilang komitment sa diyalogo at kooperasyon sa kabila ng mga hindi pa nalulutas na isyu.

Nagkasundo ang dalawang bansa na ipagpatuloy ang mga rotation at resupply operations (RORE) sa Ayungin Shoal upang mapawi ang tensyon, at kinilala ang mga positibong resulta ng mga misyon na ito.

Ipinahayag ng Pilipinas ang mga alalahanin ukol sa presensya ng mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) malapit sa Zambales at ang kanilang mga aktibidad sa mga maritime zones ng Pilipinas, na ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay hindi tugma sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa mga batas pang-maritime ng Pilipinas.

Dahil dito nagkasundo ang dalawang bansa na palakasin ang kooperasyon ng kanilang mga coast guard at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa ocean meteorology at marine scientific cooperation.

Muling tiniyak ng Pilipinas ang dedikasyon nito sa mapayapang pagresolba ng mga hidwaan sa pamamagitan ng diyalogo at diplomasya, tulad ng binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, nakatakda naman ganapin sa Pilipinas ang susunod na BCM meeting na ‘wala pang opisyal na date.