BUTUAN CITY – Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito sigurado kung mananatili pang kaibigan ng Pilipinas ang China.
Inihayag ito ng Pangulo sa ginanap na rally ng PDP-Laban sa Cabadbaran City sa lalawigan sa Agusan del Norte kagabi.
Sa kanyang talumpati, isinisi muli ng Pangulo ang gusot ng dalawang estado sa umano’y pang-aaway nina dating Pangulong Noynoy Aquino at former Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario sa China.
Pinuna rin ni Duterte ang paninisi sa kanya ng mga kritiko dahil hindi umano nito ipinaglalaban ang arbitral ruling sa West Philippine Sea.
Giit ng pangulo, matagal naman ng nagtayo ng artificial islands sa Scarborough Shoal ang China at binalewala umano ito ng administrasyong Aquino.
Ayon kay Duterte, posible pa rin naman umapela ang pamahalaan sa mga aktibidad ng Beijing pero tiyak naman daw na mapupulbos ang pwersa ng Pilipinas.
Para sa Presidente mas mabuting daanin sa diplomatikong paraan ang laban ng bansa sa mga teritoryo nito.