-- Advertisements --
DOST USEC ROWENA GUEVARA
IMAGE | Department of Science and Technology Undersecretary for Research and Development Rowena Guevara/Screengrab, DOH

MANILA – Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) na nagsimula nang rumolyo ang clinical trials ng COVID-19 vaccine na gawa ng kompanyang Janssen Pharmaceuticals.

Ang Janssen ay kompanya sa ilalim ng multinational corporation na Johnson & Johnson.

“Janssen Pharmaceuticals has already started with their trials,” ani Science Usec. Rowena Guevara.

“Which covers patients screening, recruitment, and vaccination.”

Noong Disyembre nang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Phase III clinical trial applications ng nasabing kompanya.

Bukod sa Belgium-based na kompanya, inaprubahan din ng FDA ang clinical trial sa bansa ng bakunang gawa ng Clover Biopharmaceuticals at Sinovac Biotech.

“Site preparations are ongoing (for Clover and Sinovac).”

Ayon kay Guevara, nasa National Capital Region ang trial sites ng Janssen.

Nilinaw naman ng opisyal na wala sa posisyon ang DOST para magbigay ng iba pang detalye tungkol sa trials.

“Can only be stated by the spokesperson of these vaccine developers.”

“We can only state in general kung saan ang sites, pero hindi namin pwedeng sabihin kung saang barangays.”

Sa ngayon, may higit 20 bilateral partners pa raw ang Pilipinas pagdating sa bakuna. Pero hindi pa malinaw kung alin sa mga ito ang interesado para sa clinical trials at distribusyon.

Paliwanag ni Guevara, tanging Phase III clinical trials lang ang tinatanggap ng gobyerno na pag-aaral sa mga bakuna.