Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Asec. for Maritime Julius Yano ang pag-i-inspeksyon sa Manila North Harbor Port ngayong Lunes Santo.
Nakibahagi rin dito ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinamumunian ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu.
Ang pagbisita ng DOTr sa naturang pantalan ay para masigurong maayos at ligtas ang mga biyahero ngayong Semana Santa 2023.
Ipinag-utos na rin ng DOTr sa mga namamahala at nagbabantay sa pantalan na tiyakin ang kaayusan sa mga port passenger terminal sa lahat ng pagkakataon.
Ito ay para maging matiwasay ang biyahe ng mga pasahero at ligtas ang mga operasyon kaugnay ng maritime transport.
Inaasahan ang peak sa dami ng mga maglalakbay hanggang sa kalagitnaan ng linggong ito, na deklarang half day na lamang sa mga tanggapan ng gobyerno.