-- Advertisements --

Binalaan ng Consulate General of the Philippines sa Milan ang mga Pilipinong gustong maghanap ng trabaho sa Italy na mag-ingat sa mga illegal recruitment scheme at mga kumpanya.

Bago ang nakatakdang pagsusumite ng work visa applications para sa decreto flussi program ng Italian government na naglalayong kumuha ng humigit-kumulang 452,000 foreign workers sa susunod na tatlong taon, sinabihan ng Konsulado ang mga Filipino na mag-ingat sa mga alok mula sa mga illegal recruitment firms.

Ayon kay Consul General Elmer Cato, ang ilang mga indibidwal at ahensya ay naniningil ng 500 euros hanggang 5,000 euros, para sa mga reservation fee at mga aplikasyon para sa work visa.

Aniya, ang Konsulado at ang Migrant Workers Office (MWO) ng Department of Migrant Workers (DMW) ay nagpapaalala sa mga kababayan sa pangangailangang mag-ingat at maging mapagmatyag upang maiwasang mabiktima ng mga inaasahang sasamantalahin ang decreto flussi program sa pamamagitan ng paniningil ng labis na mga bayad o fees para makakuha ng trabaho.

Dagdag pa ni Cato, binabantayan ng Konsulado ang iba pang indibidwal at ahensya na napaulat na naniningil ng mamahaling bayad para sa trabaho.

Ang mga dayuhang employer na gustong kumuha ng mga manggagawang Pilipino ay dapat sumunod sa mga kinakailangan ng DMW at maging accredited bago ma-deploy ang manggagawang Pilipino sa ibang bansa.