-- Advertisements --

Isang buwan bago magsimula ang ikalawang termino ni Donald Trump bilang Pangulo ng Estados Unidos, inihahanda na ng mga konsulado ng Pilipinas sa Amerika ang kanilang mga serbisyo upang tulungan ang mga undocumented na Pilipino na nais magbalik sa Pilipinas.

Kasunod ‘yan ng inaasahang malawakang deportasyon at mahigpit na mga polisiya sa immigration sa ilalim ng bagong administrasyon.

Ibinahagi ni Consul General Senen Mangalile ng Philippine Consulate sa New York na handa silang tumulong sa mga Pilipinong maaaring maapektuhan ng mga bagong polisiya. Naglaan ng pondo ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng Assistance to Nationals (ATN) program upang matulungan ang mga undocumented na Pilipino sa gastos para sa kanilang ticket pabalik sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Mangalile na ang mga undocumented na Pilipino sa Estados Unidos na nangangailangan ng tulong para sa repatriation ay maaaring maging kwalipikado na makuha ang pondo mula sa ATN. Ang mga interesadong mag-avail ng tulong ay maaaring bumisita sa Assistance to Nationals Section ng konsulado, na bukas mula Lunes hanggang Biyernes, 9:00 AM hanggang 5:00 PM, o maaari silang makipag-ugnayan sa email sa newyorkpcg.atn@dfa.gov.ph. Para sa mga agarang pangangailangan, mayroong mobile hotline rin na (917) 294-0196.

Tiniyak ni Mangalile sa mga Pilipino na handa ang kanilang mga kawani sa konsulado na tulungan ang mga ito sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento para sa kanilang pagbalik sa Pilipinas. Dagdag pa niya, binigyang-diin na hindi kailangang matakot ang mga undocumented na Pilipino na lumapit sa konsulado para humingi ng tulong, at walang makukulong sa paghahanap ng tulong.

Sa tala ng Department of Migrant Workers (DMW), tinatayang may 370,000 undocumented na Pilipino ang naninirahan sa Estados Unidos. Ang pinakamalaking populasyon ng mga Pilipino ay matatagpuan sa anim na estado ng California, Hawaii, New Jersey, Texas, Illinois, at Washington DC.