Nagpapatuloy ang pagbibigay ng assistance ng 89 na Filipino humanitarian rescue team sa iba’t ibang sites sa Myanmar matapos dumating ang mga ito sa mga nakalipas na araw para tumulong sa ginagawang rescue efforts kasunod ng tumamang magnitude 7.7 na lindol sa naturang bansa noong Marso 28.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Undersecretary Ariel Nepomuceno, itinalaga ang rescue team ng PH para hanapin ang mga posibleng survivor sa 10-story building na Jade City Hotel sa Naypyidaw matapos gumuho ang unang dalawang palapag nito kasunod ng pagtama ng malakas na lindol.
Aniya, mayroong life detectors ang rescue team at nakapag-detect ito ng heat signatures sa lugar subalit non-human ito.
Nakatakda naman aniyang italaga ang PH contingent sa iba pang lugar sa Myanmar.
Sa ngayon, ayon kay USec. Nepomuceno hindi pa itinatalaga ang PH contingent sa Mandalay na malapit sa episentro ng lindol at kung saan napaulat ang nawawalang 4 na Pilipino.
Nauna na kasing nagpadala aniya ng sulat ang OCD official subalit hindi direktang hiniling na madeploy ang PH contingent sa Mandalay kung saan napaulat ang 4 na nawawalang Pilipino dahil baka ma-misinterpret ang pakay ng grupo doon.
Paliwanag pa ni USec. Nepomuceno na mayroon ding protocol na sinusunod kung saan ang local rescuers ng Myanmar ang nakatalaga sa mga lugar sa Mandalay kasama ang mga rescuer mula sa Russia at China.
Matatandaan, nauna ng iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nananatiling unaccounted ang apat na Pilipino na pawang mga guro at naninirahan sa gumuhong Sky Villa condominium.
Samantala, ayon kay Nepomuceno, mananatili ang humanitarian team sa Myanmar hanggang sa Abril 12 at magdedeploy ng hiwalay na grupo kung kinakailangang palawigin pa ang kanilang humanitarian mission at babalik ng PH ang naunang grupo.