-- Advertisements --

MANILA – Hindi malabong sumipa sa higit 1-milyon ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas bago matapos ang Abril.

Ito ang sinabi ng independent group na OCTA Research sa kanilang pinakabagong report.

“Before the end of April, the Philippines is expected to have recorded more than 1,000,000 total COVID-19 cases,” ayon sa report ng grupo.

Ayon sa OCTA, bagamat bumagal ang pagkalat ng coronavirus sa National Capital Region sa nakalipas na mga araw, tumaas pa rin ng 20% ang antas ng impeksyon dahil sa higit 5,000 bagong kaso ng rehiyon sa nagdaang linggo.

Mula March 29 hanggang April 4, o kahapon, nasa 1.61 daw ang reproduction rate ng NCR. Ibig sabihin, mayroong 161 na taong nahahawaaan sa kada 100 indibidwal na may COVID-19.

Nakita ng OCTA ang “rapid increase” o mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases sa mga lungsod ng Mandaluyong, Las Pinas, at San Juan.

May pagbagal naman daw sa pagkalat ng sakit sa mga siyudad ng Maynila, Paranaque, Marikina, at Navotas.

Habang may downward trend, o may pagbaba sa bilang ng mga nagkaka-COVID sa Pasay at Makati.

“The reproduction number is trending down towards 1.3 or less by April 11.”

“The goal is for these LGUs to have low or negative one-week growth rates in new COVID-19 cases very soon.”

Sinabi rin ng OCTA na tumaas ng 50% ang bilang ng mga bagong kaso ng sakit sa Batangas at Pampanga, na parehong nasa labas ng NCR Plus bubble.